Ilustrasyong Pambata sa Panahon ng Facebook

Ito ang papel na aking isinumite sa 3rd National Conference and Seminar-Workshop on Children’s Literature na inisponsor ng The Pilandokan Inc. (National Research Society for Children’s Literature) sa tulong ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at University of the Philippines  College of Arts and Letters (CAL) noong ika-14 ng Oktubre 2011 sa Claro M. Recto Hall ng CAL, UP Diliman.

Watercolor o Acrylic?  Vector o Bitmap?

Alam mong nasa 21st century ka na kapag ang mga pagpipilian mong medium sa iyong 2D artwork ay hindi lang watercolor, acrylic, gouache or oil, kungdi pati vector o bitmap.

Radikal na nabago ng dekada 80 ang mundo ng ilustrasyon nang halos sabay-sabay ipinakilala sa merkado ang mga unang WYSIWYG software (what you see is what you get) sa personal computer na Apple Macintosh, sa pamamagitan ng mga illustration software na Adobe Illustrator at Adobe Photoshop noong 1987, at noong 1989, ang CorelDraw.  Mas maaga dito, noong 1984 ipinakilala ang brand na Macromedia Freehand na naging Aldus Freehand na binili ng Adobe noong 2005 at unti-unting pinatay.

Ano nga ba ang vector at bitmap?

Ang vector graphics ay ginagamitan ng geometric primitives gaya ng mga tuldok, linya, kurba at mga hugis o polygon, na lahat batay sa mga mathematical equation, upang makapaglarawan ng imahe sa kompyuter. Sa kabilang banda, ang bitmap o raster graphics naman ay binubuo ng grid ng pixels, o mga munting parisukat na punto ng kulay.

Kung bumitaw man ang inyong utak sa aking depinisyon, ay huwag kayong mag-aalala. Maging kaming mga artist ay di mahilig sa mga teknikal na bagay.  Para sa amin, basta’t ginawa sa Adobe Illustrator at may filename extension na .ai, or sa CorelDraw at may filename extension na .cdr, vector graphic iyon. Pag Photoshop at may filename extension na .bmp, .jpg at .tif, bitmap o raster graphic iyon.  Simple, ‘di ba?

Hindi pa rin.

Minsan, kapag tumitingin ka sa mga ilustrasyon ngayon, hindi ganoon kadali paghiwalayin ang vector sa bitmap illustration dahil sa introduksyon ng teknolohiyang graphics tablet na maaaring gayahin halos lahat ng tradisyonal na pamamaraan ng ilustrasyon. Pero halos lang, at hindi ganap.  Dahil sa matang sanay tumingin sa art, makikita pa rin ang pagkakaiba ng digital paint mula sa aktwal na pinturang acrylic na hinagod ng pinsel sa totoong kambas. Kayang-kaya na ring gayahin sa computer ang hitsura ng 3D sculpture na luwad.

May mga ilustrador, gaya ni Jomike Tejido (“Tagu-Taguan”, Tahanan Books, 2009) na kumportable sa parehong digital at handmade art, ngunit may mas pagkiling sa nahuli, dahil ang trabahong gawa daw sa computer minsan ay mukhang masyadong “artipisyal o perpekto (too artificial/perfect)”.

Sa huling dekada naging popular sa mga artist ang paggamit sa graphics tablet gaya ng Wacom Intuos, Bamboo at Cintiq sa pag-digitize sa kanilang trabaho.  Kung saan dati ay pinagtitiyagaan mag-plot ng path gamit ang mouse sa Photoshop o Illustrator, maaari na ngayong gumuhit gamit ang stylus at tablet nang gaya lang sa paggamit ang lapis at papel.

At para mas lalong maging komplikado ang bagay-bagay, may mga artist na pinaghahalo ang tradisyonal at digital na pamamaraan sa pagguhit.  Nagagawa ito sa pag-scan ng guhit kamay at pag-edit o manipulate sa computer, o di naman kaya ipi-printout sa papel, at dadagdagan ng hagod ng lapis o pinsel.  Maliban dito, may gumagawa pa rin ng handmade art, gaya ng kakaibang paper collage, painting sa banig, rubber foam sculpture at drawings na ginawa sa pamamagitan ng gel pen.

Tila walang hangganan ang mga pamamaraan ngayon ng artist sa pagguhit, kungdi ang limitasyon ng kanyang haraya.

I-Google Mo!

Sa inyong may mga kaibigang artist, alam ninyo na ang salitang “maayos” at “masinop” ay hindi ang mga unang salitang gagamitin ninyo sa paglarawan ng kanilang workplace o studio.  Ito’y dahil mahilig kaming mag-ipon ng mga references—mga abubot, clippings at mga libro—na maaaring magamit sa aming trabaho.

Para sa isang ilustrador na gaya ko, ang Google na yata ang isa sa pinakamahalagang inobasyon na dulot ng teknolohiyang world wide web. Para kay Abi Goy, (“Labindalawang Masasayang Prinsesa,” Anvil, 2011), “Sobrang mahalaga at nakakatulong ng 200% sa aking research ang Google bago mag-drawing ng libro (kasi) mabilis makahanap ng mga reference na karaniwang kakailanganin pang ihiram ng libro or hanapin sa magazine.”

Malaki ang panahon dating iniuukol sa research.  Ang mahusay na ilustrador ay matiyaga mag-research, ngunit hindi rin niya maaaring ibuhos ang  panahon niya sa pananaliksik dahil magigipit siya sa mga araw na dapat igugol sa aktwal na paglalarawan ng mga imahe para sa aklat. Pero mahahalata mo ang mga trabahong ginawan ng pananaliksik.  Mas nakakaaliw at mas kapakipakinabang tignan ang mga larawan dahil sa detalye.

Sa aking personal na karanasan bilang ilustrador, masayang-malungkot ito.  Sa isang banda, ang ibig sabihin nito, na ang tanging sanggunian mong kinakailangan ay abot-kamay na, basta’t alam mo lang kung anong keywords ang iyong ita-type sa search field.  Sa isang banda, ay nangangahulugan ding nabawasan ang mga dahilan bakit ako kailangan sumadya sa mga silid-aklatan o i-renew ang aking membership sa Filipinas Heritage Library at sa Ramon Magsaysay Award Foundation Library kung saan ako dati may library cards.

Maliban sa Google Images, maaasahan din ang mga website ng mga stock photography agencies gaya ng Getty Images at Dreamstime.  Para naman sa mga figure poses, mayroong mga website na gaya ng posemaniacs.com at posespace.com.  Libo-libong mga imahe ang nasa library nito ang madaliang mada-download nang libre or may minimal fee kung saan dati-rati’y libo-libong piso ang ginagastos ng  ilustrador para sa limitadong bilang na mga photographic references.

Sa mga panahong ito, di na maaaring ikatwiran ng ilustrador na kulang siya ng pictorial reference, basta’t mayroon lang siyang kaunting panahong igugugol sa Google.

Online Tutorials

Maari nang magself-study ang isang ilustrador dahil sa mga tutorials na naka-post online.  Di na kailangang mag-enrol sa mamahaling short course, basta matiyaga lang magdownload.  Matatagpuan ito sa YouTube, Vimeo, Metacafe at iba pang video sharing websites.  Meron din sa mga personal blogs ng mga artists.  Minsan, hindi video kung hindi mga larawan ng step-by-step how to.  Kahit anong estilo, medium, pamamaraan, illustration program, at kahit pa subject, tiyak may mahahanap ka na angkop na tutorial.

Blogging, Social Networking at Ilustrasyon

Online portfolio platforms.  Halimbawa nito ay deviantArt, Flickr, Carbonmade, Behance. Para sa isang kliyente, ang portfolio ay napakahalagang showcase ng trabaho, kakayahan at potensyal ng isang artist.  Dati-rati ay daan-hanggang libong-piso ang ginagastos ng mga artist upang makapagpagawa ng mga full color brochure na ipinapadala sa pamamagitan ng koreo o ihahatid sa mga opisina ng mga publishers, creative at art directors, at sa iba pang posibleng kliyente. Ngayon ay ibinibigay na lamang niya ang uniform resource locator (o URL) sa kanyang calling card, o sa e-mail pag gumagawa siya ng inquiry tungkol sa isang proyekto.

Maliban sa libreng birtwal na puwesto sa world wide web para sa kanilang trabaho, ang mga online portfolio platforms na ito rin ay nagsisilbing artistic community para sa mga miyembro nito. May malayang palitan ng mga ideya sa pagitan ng mga beterano at baguhang mga “artist” dahil may puwang upang makapagbigay-papuri o puna para sa mga trabahong itinatampok dito.

Microblogging sites. Maraming microblogging sites ngunit ang paborito ng mga artist ay ang napaka-biswal na Tumblr na may tagline na “home to the most creative people in the world”. Maganda ang interface at napakadali mag-post ng mga high-resolution na imahe, teksto at video na parang siyang “online scrapbook” or “moodboard” na kinagigiliwang gawin ng mga artist upang bigyan ng espasyo ang kanilang inspirasyon. Maaari ka pang makapamili ng tema, kahit na may kababawan. Upang ipakita ang iyong paghanga sa isang post, kailangan mo lang i-klik ang isang icon na puso.  Ni hindi man kailangan mag-iwan ng malalim na puna o komentaryo. Maaari mo ring i-“follow” o sundan ang milyon-milyong Tumblr (ang tawag sa mga gumagamit din ng site) sa mundo, at maaari din nilang i-“follow” ang mga “updates” mo sa sarili mong Tumblr site. Ayon kay Robert Alejandro (“A Different Kind of Policeman” Bookmark 2008), dito siya nakakakuha ng “reassurance” pag minsang pinanghihinaan siya ng loob sa kanyang trabaho.

Artist blogs at online publications. The best things in life are free, ika nga.  At mahilig sa libre ang mga artist. Kaya marami ring mga sites na nag-aalok ng kanilang online publishing platforms nang libre gaya ng wix.com, wordpress.org at blogger.com.  Kung ang siyentipiko ay may laboratoryo, ang ilustrador ay nangangailangan din ng espasyo upang subukan ang kanyang mga ideya at pamamaraan.

Para kay R. Jordan Santos (“Ibong Adarna”, Adarna House, 2005), nakakatulong sa kanya tumingin sa mga blogs, sa halip na portfolio website, ng mga artist na hinahangaan niya. Ayon sa kanya, dito mo nalalaman kung ano ang mga aklat, musiko, sining at mga taong nakakapagbigay sa kanila ng inspirasyon. Sa pagsilip sa proseso ng kapwa artist, nagkakaroon din ng kakaibang pananaw si Van Zeus Allen Bascon (“Bakawan”, Adarna House, 2009) tungkol sa imahe, elemento, kulay at pag-iisip kaya mas lumalakas ang loob niya mag-eksperimento. Isa sa blog na kinagigiliwang sundan ng mga artist ay ang illustrationfriday.com na lingguhang nagtatampok ng illustration challenge.  May paksa na ipinapaskil tuwing Biyernes, at ang mga nais lumahok ay may isang linggo upang gawan ito ng kanilang sariling interpretasyon. Dahil sa mga malikhaing pagsubok na gaya nito, kahit wala silang proyekto, napapatalas ng artist ang kanyang problem-solving skills at nahihinang ang kanyang estilo at pamamaraan.

At sa bagitong naghihintay ng pagkakataong mailathala, maaari na niyang ipakita ang kanyang gilas sa kanyang sariling online magazine o picture book na maaari niyang makuha nang libre mula sa mga website gaya ng issuu.com, na napabilang sa Time Magazine’s 50 Best Websites for 2009 dahil sa ganda at kinis ng kanyang interface, na nakakapagpalimot sa iyo na hindi aktwal na magasin o aklat ang iyong binabasa.

Facebook. Sa Facebook makikita ang portfolio ng mga artist mula sa batikang mga ilustrador gaya ni Arnel Mirasol (“Once Upon A Time”, Tahanan Books, 2004), best-selling illustrator Kora Dandan Albano (“Pilandok” series ng Adarna House at “Carancal” Series ng Lampara) hanggang sa mga up-and-coming na mga batang ilustrador gaya ni Ray Nazarene Sunga (“Jeremy’s Magic Well”, Gig Seafarer Children’s Stories, 2010).  Ito na marahil ang pinakamadali at mabisang paraan ng isang artist mag-promote ng kanyang trabaho sa mga prospective clients.

Isa sa di-inaakalang tulong na idinulot ng Facebook sa industriya ng ilustrasyong pambata ay ang mekanismo ng feedback.

Karamihan ng mga batang ilustrador ay nagpo-post ng kanilang works-in-progress sa Facebook upang makakuha ng puna o papuri sa kanilang ginagawa—mula sa Photoshop brush na kanilang ginamit hanggang sa pose ng karakter na ginagawa nila. Taliwas ito sa praktis ng mas matandang mga ilustrador na babalutin ang kanilang trabaho sa lihim hanggang ito ay handa nang ipakita sa mundo nang buong-buo. Ang kritikal na mata ng mga batang ilustrador ay impormado ng social networking habang ang sa mas matatandang ilustrador ay base sa intuwisyon.

Alin ang mas mainam?  Mahirap sabihin.  Nakakatulong ang social networking sa pagturo sa isang indibidwal na lumabas sa kanyang sarili upang masdan ang trabaho niya mula sa mata ng ibang tao.  Matututunan niya na may iba’t-ibang pananaw dahil may iba’t ibang pinanggagalingan ang manonood ng kanyang gawa. Taliwas dito, ang ilustrador na gumagawa nang mag-isa ay hirap tumanggap ng puna sa kanyang trabaho. Maaaring tignang mas mabuti ang saloobin ng naunang uri ng ilustrador, ngunit ang problema ay hindi ito gumagawa sa ganap na pagkakabukod sa kanyang kapwa. Kapalit ng feedback sa kanyang trabaho, ang ilustrador na ito ay obligado ring magbigay ng puna sa kanyang kapwa ilustrador bilang pagkilala ng utang na loob, at dito maaaring magkaproblema. Nagbababala si Beth Parrocha Doctolero (“Ang Pambihirang Buhok ni Raquel”, Adarna House, 2002) sa peligro ng “sobrang paglalantad ng sarili sa gawa ng ibang tao.”  Posible raw na hindi estilo ang kinokopya mo, ngunit di-sadyang nakokopya mo na yung creative strategy ng ibang artist. Para kay Parrocha-Doctolero, bilang ilustrador, kailangan mong ganap na ibuhos ang sarili mo sa kwento ng iyong aklat na inilalarawan, at imposible ito gawin kung okupado ng gawa ng iba ang iyong pag-iisip.

New York, Cubao hanggang New York, New York

Salamat sa optical fiber at cellular technology, posible nang mag-collaborate ang manunulat at ilustrador, at pangasiwaan ang pagbuo ng aklat ng publisher, kahit long distance.  Ang kainaman nito, para sa lokal na ilustrador ay ang pagkakataong makakuha ng mga proyekto sa labas ng Pilipinas, upang madagdagan ang kanyang oportunidad kumita at maitaguyod niya ang kanyang hanapbuhay.  Para sa lokal na publisher, mas lumalawak ang saklaw ng mga portfolio na kanyang pagpipilian. Posible, halimbawa, makatrabaho ni Dr Lina Diaz de Rivera na taga-Maynila, si Bernadette Solina Wolf na taga Puerto Galera, at ito mismo ang kanilang ginawa para sa kanilang aklat na “The Rain Is Here” (Chikiting Books, 2011).  Sa paglawig ng estilo at kapamaraanan ng ilustrasyong pagpipilian dala ng iba’t ibang pananaw, lalo lamang yumayaman ang biswal na hain ng mga publisher sa madla, sa kanilang mga aklat. Mas mahalaga dito, nagkaroon ng paraan ang mga ilustrador gaya ni Wolf na nakatira malayo sa Metro Manila—kung saan base karamihan ang mga children’s book publishers—na maibahagi ang kanilang galing at talino sa pagguhit, isang bagay na halos imposible noong isang dekada.

Naging malaking tulong kay Isabel Roxas ang YouSendIt at Dropbox noong ginawa niya ang mga ilustrasyon para sa “The Luckiest Girl in the World” (Insular Life, 2010), proyektong pinangasiwaang long-distance ng Adarna, dahil lumipat na siya sa New York. Tinitiyak ng mga file hosting service gaya nito, Mediafire at Filezilla, na patuloy pa ring makakapaglarawan ng aklat-pambatang Pinoy ang ilustrador na Pilipino, kahit saang lugar pa sila sa mundo dalhin ng tadhana.

 

Bawal ang anti-social

Upang mabuo ko ang aking papel ay gumawa ako ng survey sa mga miyembro ng Ang INK, at nalaman ko na para sa marami sa kanila, itinuturing nila ang   pagiging miyembro sa isang organisasyon ang may malaking tulong sa kanilang artistic growth. Para sa mga batang ilustrador tulad ni Pergylene Acuna (“Kiko’s Room”, Lampara Books, 2011), Ang INK ang nagbigay-daan sa maraming oportunidad gaya ng publication, group exhibits, rakets (jargon para sa mga short-term na proyekto, na kadalasan ay galing sa sektor ng advertising) at “isang ganap na makabagong pagtanaw sa sarili (a whole new way of looking at myself)”.

Para kay Totet de Jesus (“Mahiyaing Manok”, Adarna House, 2000) nakakatulong sa kanyang patuloy na pananaliksik sa estilo at disenyo ang pakikihalubilo niya sa ibang mga artist sa Ang INK.  Parehong natututo ang mga senior members at junior members sa subok na karanasan at sariwang pananaw ng isa’t isa.  Ipinaliwanag ni Jomike Tejido na ang kaugnayan na bunga sa palagiang komunikasyon sa industriya ay “symbiotic”, o para sa ikabubuti ng isa’t isa. Tila hirap akong magngalan ng ilustrador ng aklat-pambata na di palakaibigan at mapag-isa. Ayon kay Rommel Joson (“Dalawang Dagang Bulag,” Adarna Books, 2011), ang pagkukulang daw ng feedback sa social media sites ay napakadali raw pindutin ng “Like” button, at di ito nakatutulong sa proseso ng pag-aaral dahil hindi ito nakadudulot ng kritikal na puna na maaaring makuha mula sa isang “support group” na binubuo ng kapwa artists.

Ang Ilustrador bilang Awtor

Matapos ang usapang teknikal tungkol sa iba’t-ibang mga teknolohiyang naka-apekto sa kurso ng  pag-unlad ng ilustrasyon sa dekadang ito, atin namang tuunan ng pansin ang ebolusyon ng ilustrasyon sa kontekstong lokal.  Tignan natin kung paano, mula sa pagiging “mere adjunct”—dekorasyon o palamuti sa pahina—ang mga ilustrasyong ngayon per se ay ang bumubuo na rin ng “content” ng aklat-pambatang Filipino.

May nabubuong kamalayan ngayon sa loob ng industriya ng ilustrasyon, inspiradong tiyak ng kababayan nating awtor/ilustrador na si Jose Aruego, at marahang naimpluwensyahan din ng praktis ng mga dayuhang awtor/ilustrador, kung saan ang biswal ang nangingibabaw sa teksto, gaya ng makikita sa mga trabaho ng Amerikanong manunulat/ilustrador at 3-time Caldecott Medal awardee David Wiesner (“Flotsam”, Clarion Books, 2006), na kadalasan ay wala man lang teksto, at mga paboritong sina Maurice Sendak, Eric Carle at Leo Leonni.

“Ang konsepto ng ilustrador bilang espesyalista o awtoridad sa isang paksa o bilang maylikha ng materyal na parehong fiction at non-fiction ay laganap nang tinatanggap.” (Male, 2007)

Parami nang parami ang mga ilustrador na sumusulat, at mga aklat na pinasimulan ng mga ilustrador sa halip na mga manunulat. Halimbawa ay ang mga aklat na nilathala ng grupong Ang Ilustrador ng Kabataan (Ang INK) sa dekadang ito, ang “Hale-Hale Hoy” (Adarna, 2006) at “Mga Tambay sa Tabi-Tabi” (Anvil, 2010) dahil sa pursigidong pagtataguyod at creative leadership ng 2-time Ang INK president na si Liza Flores, dalawang aklat na naglalayong panatilihin ang mga aspeto ng kulturang Pilipino sa araw-araw na pamumuhay ng bagong henerasyon.  Ang parehong aklat na nabanggit ay inisyatibo ng grupo, at humugot ng inspirasyon mula sa kanilang mga matagumpay na taunang eksibit.  Sa pamamaraang biswal, kabilang kasi sa mga layunin ng organisasyon ang pagtulong sa pagsulong ng panitikang pambata.

Ang katagang “awtor”, sa wakas, ay hindi na monopolyo ng manunulat.

Ang papel ng ilustrador sa panahon ng “paperless society”:

Konklusyon

Nagbasa ako ng papel noong Nobyembre 2001 sa Asian Children’s Festival sa Singapore na may paksang katulad ng papel na binasa ko ngayon at ito’y pinamagatang “Drawing From Experience:  Philippine Children’s Book Illustration in the Last Decade (1990 to 2000)”, at di ko maiwasang mamangha sa pagkakaiba ng huling dekada ng ika 20 siglo at ang unang dekada nitong ika 21 siglo. Sa nauna ay nasa kamusmusan pa lamang ang digital illustration dahil kalulunsad pa lamang ng iba’t ibang illustration software at di pa nahihinang ang WYSIWYG technology kaya’t di pa nakukuha ang lubos na pagtitiwala ng mga ilustrador. Ngunit sa nahuli ay nagkaroon ng laganap na pag-usbong ng digital illustration kakambal ng mga inobasyon gaya ng social networking at online publishing, at ito ang nagbigay-daan para isang henerasyon ng mga ilustrador na may kamalayan sa pareho nilang lakas at kahinaan, at laging may pagnanais mapabuti ang kanilang trabaho, dala na rin ng matinding kompetisyon sa industriya ngayon. Higit sa lahat, marahil, nakita rin sa lumipas na dekada ang pagpapalawak ng mga ilustrador sa kanilang papel sa pagbuo ng Pilipinong panitikang pambata upang akuhin na rin ang responsibilidad ng awtor, higit sa pawang taga-dekorasyon lamang ng pahina.

Kulang ang panahon para sa papel na ito, kung tutuusin, dahil habang nagsasalita ako ngayon sa harap ninyo ay kumikilos at nagtutulungan na ang mga publisher, manunulat at ilustrador upang itulak ang hangganan ng panitikang pambata sa labas ng mga pahinang papel upang sakupin ang pahinang digital, sa pamamagitan ng electronic books at applications para sa tablet computers at multi-media enabled smartphones. Dala ng limitasyon ng aking pananaliksik,  tiyak kong marami pa akong mga bagay na nakaligtaang banggitin na magbibigay-kabuluhan kung bakit ganito ang hugis, kulay at anyo ng ilustrasyong-pambata sa Pilipinas ngayon. Ngunit ito ang natitiyak ko, na sa pag-inog ng mundo at pagsabay sa pagsbulusok ng teknolohiya, di paiiwan ang ilustrador na Pilipino at Pilipina.

Maraming salamat po!

Almario, Ani. “Re:  List of Adarna House’s Illustrated Children’s Books 2000-2011.” Message to the author. 22 September 2011.

Almario, Virgilio S., Ma. Elena Paterno, Ramon C. Sunico, and Rene O. Villanueva, eds. “Bumasa at Lumaya: A Sourcebook On Children’s Literature In The Philippines.” Anvil Publishing, 1994.

Habulan, Ani. “Re:  List of Anvil Publishing’s Illustrated Children’s Books 2000-2011.” Message to the author. 23 September 2011.

Heller, Steven. “Sourcebook of Visual Ideas.” Van Nostrand Reinhold, 1989.

Male, Alan.  “Illustration: A Theoretical and Contextual Perspective”. Ava Publishing SA, 2007.

Ong, Frances. “Re:  List of Tahanan Books’ Illustrated Children’s Books 2000-2011.” Message to the author. 26 September 2011.

Papa, May T. “Impluwensya at Inspirasyon.” Survey. 27 September  to 10 October 2011.

Pirmejo, Joseph. “Re:  List of Bookmark’s Illustrated Children’s Books 2000-2011.” Message to the author. 29 September 2011.

“Nextness 101:  Why you (and your brand) should be on Tumblr” http://nextness.com.au/nextness-101/nextness-101-why-you-and-your-brand-should-be-on-tumblr/  (Accessed 4 October 2011).

“The FORUM Roundtable discussion on how can a university best serve the arts, and how can the arts best serve the University” [The Forum – July 2011-August 2011 – (Vol 12 Issue 4) http://www.up.edu.ph/upforum2.php?i=77&pg=120&pgidx=&pgmax=1&issue=43.  (Accessed 3 Oct 2011).

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s